Hindi pa huli ang lahat kung gusto mo talagang magbago.
Ako po si Nerry Pretty Cattleya S. Hebron, 18 taong gulang. Palaging sinasabi ng mga tao sa akin na mahiyain daw ako at laging seryoso. Hindi ko naman sila masisisi dahil ganun talaga ako. Bata pa lang ako ay hirap na kami sa buhay kaya noong nasa high school na ako ay hindi ko inaakalang magagawa ko ang mga ‘di kanais-nais na bagay. Sa panahong iyon, kilala ko ang Panginoon ngunit hindi talaga ako naniniwala sa Kanya nang lubusan. Marami din akong mga katanungan sa buhay. Ang alam ko lang ay tama ang mga ginagawa ko.
Nang ako’y nag-kolehiyo na, hindi ko alam kung ano na naman ang magiging buhay ko at kung ano na naman ang magagawa ko. Noong inimbita ako ni Ate Ann (Ana Marie Nazareno) na sumali sa IVCF organization, sumali naman ako, pero para sa akin para lang may organisayson na masasalihan bilang requirement sa school. Sumali ako ng General Fellowship ng nasabing organisasyon at doon ko nakilala si Ate Yen (Marien Joy Letran), IVCF chairperson at hindi ko inakala na siya ang magiging Discussion Group (DG) leader ko.
Sa unang pagkikita namin ay in-evangelize niya ako at hindi ko inaasahang mangyayari iyon. Doon ko tinanggap si Jesus Christ at naniwala sa Kanya bilang aking personal na Panginoon at agapagligtas. Hindi ako nakatulog kinagabihan, kaya ang ginawa ko ay nanalangin at nakipag-usap ako sa Panginoon. Sinabi ko ang lahat ng aking nararamdaman at nag confess ako sa lahat ng aking kasalanan. Doon ko naramdaman ang presensya ng Panginoon dahil pagkatapos kung nakipag-usap sa Kanya ay naramdaman ko talaga na ako ay na-relieved sa lahat ng mabibigat na bagay na aking pasan, bigat na dala-dala ng aking puso. Pakiramdam ko ay nakalabas ako sa kulungan. Nagpatuloy pa rin ang Bible study na ginagawa ni Ate Yen sa aming grupo at ‘yon ang dahilan na mas nakilala ko pa ang Panginoon ng lubusan. Mas naging malawak ang aking kaalaman tungkol sa Kanya. Sa tuwing nagbabasa ako ng Bibliya ay nakaka-relate talaga ako. May mga panahon na hindi talaga ako mapalagay kapag hindi kami nakakapag meet ni Ate Yen. Kaya ako na mismo ang nagpapaalala sa aming scheduled meeting. May mga panahon din na kapag may problema ako, dinadamayan at pinapagaan ang aking loob ng mga Ate ko sa ministry.
Sobrang pasasalamat ko na napunta ako sa IVCF. Sa pamamagitan ng organisasyon na ito, mas lumawak pa ang aking karanasan at kaalaman tungkol sa Panginoon. Mas lumakas pa ang aking pananalig at pananampalataya sa Kanya. Sa tuwing may kabigatan sa aking buhay, ipinapaubaya ko na sa Kanya ang lahat. Kailan man ay hindi Niya ako pinabayaang harapin ang mga ito na nag-iisa. Gusto ng Panginoon na mas maging sabik at malugod akong sumunod sa Kanya. Dati nang ako’y mahiyain, hindi hilig makisalamuha sa ibang tao, lalo na sa ‘di kakilala, at lalong hindi ibinabahagi ang Salita ng Panginoon sa iba. Ngunit ngayon, meron na akong Discussion Group DG (dalawang tao) at ako’y lubusang nagpapasalamat sa Panginoon. Lagi ko lamang idinadalangin na makayanan ko ang responsibilidad na ito at alam ko na hindi Niya ako pababayaan. Kung hindi ko pa siguro nakilala ang Panginoon sa pamamagitan ng IVCF, hindi ko lang alam kung anong klaseng buhay mayroon ako ngayon. Siguro noon masayang-masaya si Satanas sa lahat ng aking maling nagawa. Ngunit sa pamamagitan ng Panginoon sa tulong ng IVCF, heto na ako ngayon hinaharap ang lahat ng hamon at pagsubok sa buhay — nagsisimula ng magbahagi at mangaral sa Salita ng Panginoon.
Kasihan nawa tayo ng Panginoon.